Ni EDWIN MORENO
POSIBLENG maharap sa mabigat na kaso ang isang ginang matapos mabisto ang isang lumang pera-paraang modus sa lungsod ng Sta. Rosa sa lalawigan ng Laguna.
Batay sa sumbong ni Milagros Vallejo, isang mensahe di umano ang kanyang natanggap sa telepono mula sa manugang na kinilala lang sa pangalang Rowena na humihingi ng saklolo.
Kalakip ang isang larawan ng dalawang batang nakagapos, katabi ng nagkunwaring kidnapper na nakatakip ang mukha, nakalahad sa mensahe na palalayain lang ang ginang at dalawang nitong anak na may edad 7 at 9 – kapalit ng P1.5 milyon.
Gayunpaman, diskumpyado ang biyenan ni Rowena, kaya naman piniling humingi ng saklolo sa lokal na pulisya.
Sa tulong CCTV camera footage, nakita ang paglisan ng mag-iinang sumakay ng pampasaherong jeep mula sa lugar malapit sa kanilang tahanan.
Dito na nagpasya ang lokal na pulisya makipag-ugnayan sa nagpakilalang kidnapper hanggang sa tuluyang matunton ang kinaroroonan ng ginang na agad na inaresto.
Sa interogasyon, inamin ng ginang na gawa-gawa lamang ang pagdukot sa kanilang mag-iina para makakuha sa biyenan ng perang pambayad nila sa mga pagkakautang.
