PUMALO na sa 129 atletang estudyanteng kalahok sa idinaraos na Palarong Pambansa sa lungsod ng Cebu ang tinamaan ng dengue, ayon anunsyo ng Cebu City Medical Center.
Gayunpaman, nilinaw ni Dr. Peter Mancao na 23 lamang sa naturang bilang ng mga nagpositibo sa dengue virus ang “admitted” sa naturang pagamutan.
Katunayan aniya, Biyernes pa na-discharge ang kalahati habang ang iba’’y patuloy na ginagamot sa nabanggit na ospital.
“Mostly, majority, lagnat at dengue suspects,” wika ni Mancao.
Taliwas naman sa unang pahayag ng Cebu City government, may mga pasyenteng sa nasabing lungsod na tinamaan ng nakamamatay na karamdaman.
Samantala, naniniwala naman ang ilang eksperto sa larangan ng medisina na posibleng sa Cebu City na tinamaan ng dengue ang mga manlalarong delegado sa Palarong Pambansa lalo pa’t hindi naman di umano nakakahawa ang dengue virus.
Ayon sa isang doktor na ayaw magpabanggit ng pangalan, karaniwan aniyang nananahan ang lamok sa mga pasilidad na kulang sa tinawag niyang “proper sanitation.”
Bukod sa mga nagpositibo sa dengue, may mga naitala rin pasyenteng dinala sa pagamutan bunsod ng sports-related injuries, pneumonia, tonsillitis at sakit ng ulo.
