PANSAMANTALANG sumisilong sa mga itinakdang evacuation centers ang hindi bababa sa 1,000 pamilya mula sa siyam na barangay bunsod ng malalim na pagbaha na dala ng mabigat na buhos na ulan sa lungsod ng Zamboanga.
Kabilang sa mga apektadong barangay ay ang San Jose Gusu, Talisayan, San Roque, Ayala, Baliwasan, Tumaga, Pasonanca, Tetuan at Sangali sa Zamboanga City.
Sa ulat ng City Disaster Risk Reduction Management Office, agad na ikinasa ang rescue operations kasama ang Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police at mga militar na nakabase sa nabanggit na lungsod para dalhin sa ligtas na lugar ang mga apektadong residente.
Pagdating sa mga designated evacuation centers, agad na ipinamahagi ng Emergency Operation Center ng lungsod ang mga pangangailangan ng mga apektadong residente. Kabilang sa mga ipinamahagi ng lungsod ang mga food packs, sleeping at hygiene kits na kailangan ng mga pamilyang apektado habang hinihintay ang paghupa ng baha sa kani-kanilang komunidad.
