SA gitna ng namumuong hidwaan sa pagitan ng China at Pilipinas, apat na Chinese nationals are dinakip ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Immigration (BI) sa Barangay Sto. Domingo, Angeles City sa lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni Central Luzon Regional Police chief Brig. Gen. Jose Hidalgo ang mga arestadong Chinese nationals na sina alyas Wu, Zheng, Chou, at nag-iisang babaeng pinangalanang Wang sa bisa ng isang mission order na bitbit ng mga kasamang Immigration agents.
Nakuha rin sa pag-iingat ng apat ng Tsino ang tatlong gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P20,400, mga party drugs, isang .380 caliber Colt firearm na kargado ng anim na bala at isang .45 caliber Armscor firearm na may pitong bala.
Sa bisa ng isang mission order , inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI), at Angeles City Police Office ang mga suspek sa kanilang tinitirhan sa Barangay Santo Domingo, Angeles City, Pampanga noong Biyernes ng gabi, Hulyo 12.
Batay sa impormasyon ng BI, pawang sangkot sa iba’t ibang krimen ang mga kinalawit na dayuhan.
Pansamantalang ikinulong ang apat ng Tsino habang hinahanda ang deportation order.
