Ni ESTONG REYES
HINDI na muna tatalakayin ng Senado ang panukalang pagbabalik ng Mandatory Reserve Officers Training Corps Training (ROTC) para isailalim sa panibagong pagsusuri, alinsunod sa rekomendasyon ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Ayon kay Senate President Francis Escudero, nakukulangan ang LEDAC sa impormasyon sa panukalang inihain ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Gayunpaman, nilinaw ni Escudero na nananatili pa rin sa talaan ng priority measures ang ROTC bill.
“Yung ROTC bahagyang napag-usapan at nais doon sa LEDAC na ito’y tingnan muli dahil kulang pa yung impormasyon kaugnay niyan,” ayon kay Escudero.
Aniya, pantay ang tingin sa lahat ng priority bills pero sadyang may mga higit na mahalagang panukala. Inihalimbawa pa ng lider ng senado isinantabing Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act (PIFITA).
“Nagbabago din kasi may ilang mga panukalang batas na priority at ina-identify na priority noon subalit doon sa pinakahuling LEDAC ay tila hindi na o hindi na muna. Kabilang na yung if I’m not mistake…yung PIFITA. Identified siya as priority measure, it’s a tax measure but which Secretary Recto identified as perhaps more tax-eroding than enhancing. Ang usapan napag-usapan noong LEDAC ay medyo iba-backburner siya,” paliwanag ni Escudero.
Sinabi pa ni Escudero na hinihintay pa ng Senado ang mas maraming detalye sa panukalang amendments sa Electric Power Industry Reform Act at panukalang mining law.
“Matagal nang pinag-uusapan… pero wala pa namang tunay na laman kaugnay ng partikular na mga probisyong aamyendahan sa EPIRA. Ganoon din yung mining act, may inaprubahang bersyon ang Kamara pero ito’y nanggaling at nagmula sa isang mambabatas na di naman talaga galing sa Palasyo, sa departamento o sa Malacanang yung nilalaman noon,” aniya pa.
“May mga panukalang batas din naman na hinihintay pa natin yung laman kung kaya’t di lamang yung simpleng pagpasa ng Kamara ang maging batayan o hindi pagpasa ng Senado,” dagdag ng senador.
Aniya, mas gugustuhin niya ang pag-aaral at pagrebyu sa mga panukala nang malalim upang matiyak na walang maibabasurang batas na inaprubahan ng Kongreso.
Idinagdag pa niya na indicative ang LEDAC bills na isusulong ng Pangulo sa State of the Nation Address (SONA) sa Lunes.
“Ayokong pangunahan pa rin pero nauna na yung LEDAC bago ang SONA ng Pangulo so siguro madali niyo nang hulaan kung ano ang ilalaman ng talumpati ng Pangulo kaugnay ng mga panukalang batas na gusto niyang mapasa at matalakay nitong darating na Third Congress,” pagtatapos ng Senate President.
