MAINGAY sa media pero ayaw humarap sa pagdinig ng impeachment court ang estilo ni Vice President Sara Duterte para isulong ang interes sa politika. Ito ang buod ng patutsada ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., isa sa endorsers ng fourth impeachment complaint laban kay Duterte na umano’y tila “pinaglalaruan” lang ang mga Pilipino. “Ang ating Vice President palaging nagsasalita sa media, pero hindi humaharap sa Impeachment Court o siya’y magsalita sa media na ipaliwanag ang kanyang sarili, and trying to play politics with the people,” wika ni Abante. Hamon ng Manila solon sa pangalawang pangulo — harapin ang kaso. “Humarap na siya sa Impeachment Court upang maipaliwanag lahat ng mga alegasyon tungkol sa kanya,” dugtong ng mambabatas na tumatayong chairman ng House Committee on Human Rights. “Kung talagang hindi dapat ma-impeach ang Vice President, eh, dapat humarap na siya (sa Impeachment court). Huwag na niyang hayaan pa na humarap doon sa Impeachment Court ay yung mga staff niya, siya mismo ang sumagot. Ngayon, sa akin naman, kung hindi dapat ma-impeach ang Vice President, eh dapat ang Vice President mismo magpaliwanag ng mga bagay na ito sa Impeachment Court, sa taong bayan,” anang kongresista. Pinuna rin ni Abante ang patuloy na pagbatikos ni Duterte sa prosekusyon at maging sa impeachment court. Sa naging pagharap nina former Office of the Vice President Special Disbursing Officer Gina Acosta at Assistant Secretary Lemuel Ortonio, ay kapwa aniya umamin ang dalawa na si Duterte ang nagbibigay ng utos at nag-apruba sa paggasta sa nasa P500-million confidential funds ng tanggapan ng pangalawang pangulo. Para kay Abante, mistulang nilaglag nina Acosta at Ortonio ang pangalawang pangulo. “Siya lamang ang makakasagot niyan. Siya lamang po ang Bise Presidente lang ang makakasagot lahat ng mga allegation na inihagis sa kanya,” sabi pa ng kongresista. “Hanggang ngayon, naniniwala po tayo na lahat ’yan allegation until such time na malaman na Impeachment Court, totoo pala ito. Hindi na po allegation ‘yan. That’s the reason why ako ang akin pong sinasabi palagi, the Vice President kung talagang hindi siya ang mastermind ng lahat ng mga in-accuse sa kanya, humarap siya, ipaliwanag niya,” huling hirit ni Abante. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Prosekusyon ‘willing to wait’ sa paggaling ni SDO Fajarda Ebidensya ng prosekusyon, galing sa kampo ni Duterte