KUNG pagbabatayan ang mga nakaraang pagdinig ng Senate impeachment court, mismong ang kampo ng nasasakdal ang pinagmulan ng ebidensyang tatapos sa “career” ni Vice President Sara Duterte.

Ito ang iginiit ni House Committee on Higher and Technical Education chair at Tingog partylist Rep. Jude A. Acidre sa pagsalang ng “hostile witnesses” at “documentary evidence” na inihain ng depensa.

“Ang ating mga witness, hindi po lahat galing sa prosecution. Meron po tayong hostile witnesses na pinatawag. Ang mga ARs, ang mga dokumento, ang acknowledgement receipts, ang work and financial plan, ang liquidation documents na ipinakita, lahat po iyon ay galing mismo sa defense side,” wika ni Acidre.

Partikular na tinukoy ni Acidre ang pagsalang sa impeachment trial ng mga ‘hostile witnesses” na sina former Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer Gina Acosta at Assistant Secretary Lemuel Ortonio, na kapwa nagnguso sa pangalawang pangulo.

Anila, si Duterte ang nag-utos at nag-apruba kung paano gamitin ang nasa P500 million confidential funds ng tanggapan ng pangalawang pangulo.

Isa sa sinasabing mabigat na rebelasyong nagdiin sa bise presidente sa alegasyon ng maling paggamit ng naturang pondo ang pag-uutos at pagbibigay ng kapangyarihan kay Army Col. Raymund Dante Lachica para gastusin ng buo ang daan-daang milyong pera ng taumbayan.

Sa naging paglilitis ay hindi naman aniya ang panig ng prosekusyon lamang ang pinapakinggan ng senator-judges kung saan may pagkakataon din ang mga tagapagtanggol ng bise presidente na tanungin ang mga saksi at busisiin ang nailatag ng mga ebidensya.

Kaya naman nanindigan ang Tingog PL lawmaker na maayos ang paggulong ng proseso at bilang isang abogado ay batid din dapat ng bise presidente ang pagkakaroon ng kakayahan at karapatang direktang sagutin ang mga kinakaharap na kaso.

“Sa totoo lang, isa sa nakakapanghinayang ay ang Vice President po ay isang abogado. Alam naman niya ang patakaran ng batas. Alam naman niya ang rule of law. Kung nanumpa lahat po ng halal na officials ay nararapat lamang na sumunod sa Saligang Batas, at ang prosesong ito ay nakapaloob mismo sa ating Saligang Batas,” sabi pa ni Acidre. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *