DAHIL sa bagsik ng bagyong Carina, tuluyan nang nagdeklara ng State of Calamity ang mga lokalidad na nagtamo ng matinding pinsala sa imprastraktura, kabuhayan at maging sa mga mamamayan.
Ayon kay Secretary Benhur Abalos ng Department of Interior and Local Government (DILG), pinakahuling nagdeklara ng State of Calamity ang mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, Batangas at Cavite.
Bago pa man isinailalim sa State of Calamity ang naturang lalawigan una nang isinailalim ang buong Metro Manila, batay sa resolusyon ng 17 alkaldeng miyembro ng Metro Manila Council.
Pasok din sa talaan ng mga lugar na nasa State of Calamity na ang Pinamalayan sa Oriental Mindoro, Kabacan at Pikit sa Cotabato; Butuan, Davao de Occidental, at iba pa.
Sa lawak na baha, pasok sa kategorya ng “hardest hit” ang bayan ng Abucay sa Bataan; mga munisipalidad ng Abucay, Baliwag, Obando, Plaridel, Pulilan at Sta. Maria sa Bulacan; mga lokalidad ng Cainta, Taytay, San Mateo, Morong, Angono at Montalban sa probinsya ng Rizal; at ang bayan ng Tingloy sa Batangas.
Paliwanag ni Abalos, naging batayan sa pagtatala ng “hardest hit localities” ang kakulangan ng relief goods, malawakang pinsala, bilang ng mga apektadong pamilya at kakulangan ng tinawag niyang non-food items.
Sa kanyang ulat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nasa 36,319 pamilya (katumbas ng 149,006 katao) ang inilikas sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Cordillera Administrative Region, at Metro Manila.
Nasa 72 kalsada ang hindi nadaannan sa kasagsagan ng bagyo dahil sa malalim na tubig baha. Nasa 16 na tulay naman ang isinara dahil sa peligro ng rumaragasang tubig sa ilog.
