HINDI pa man ganap na nakaahon sa dagok na inabot sa bagyong Carina, nagpahayag naman ng pangamba ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa posibilidad ng pagsabog ng apat na bulkan sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan.
Sa isang pahayag, inamin ng Phivolcs na mahigpit na ang pagbabantay ng ahensya sa aktibidad ng apat na aktibong bulkan – ang Taal sa Batangas, Mayon sa Albay, Bulusan sa Sorsogon at Kanlaon sa Negros.
Paglilinaw ng Phivolcs, tanging ang bulkang Kanlaon lamang ang nasa Alert Level 2 status habang ang Taal, Mayon at Bulusan ay nasa kategorya ng Alert Level 1.
Gayunpaman, minarapat ng ahensya tutukan ang apat na bulkan na anila’y nagpapakita ng pabo-bagong aktibidad katulad ng mga pagyanig, pagbuga ng usok, abo at asupre at pamamaga ng bunganga ng mga nabanggit na bulkan.
Samantala, patuloy na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng permanent danger zone ng nasabing mga bulkan na anila’y pawang aktibo at may kakayahang sumabog anumang oras.
