BAGO pa man sumambulat ang balita hinggil sa pagbawi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil ng security escorts ni Vice President Sara Duterte, mas unang tinanggalan ng security details si Senador Bong Go.
Sa isang kalatas, kinumpirma ni Go na “hindi nag-iisa si VP Sara,” kasabay ng panawagan kay Marbil na pairalin ang sinimulang pagbawi ng bodyguards sa sa lahat ng opisyales ng pamahalaan.
“Don’t be selective. Be professional. Just do what is right.”; wika ni Go sa isang panayam sa radyo.
“Sabi ko po, hindi siya (VP Sara Duterte) nag-iisa. Ibig ko sabihin rin po dito ay kung sakali namang kailangan siyang i-secure, meron pong mga mamamayan natin na willing mag-secure sa kanya, tulad namin,” wika ng sendor.
“Pangalawa po, hindi siya nag-iisa dahil ako, unang-una, ako rin po ‘yung natanggalan ng security, mas nauna pa ako sa kanya. Alam n’yo siguro, mga three weeks ago pa po ito,” dugtong ng mambabatas.
Pag-amin ni Go na tumatayong vice chairman ng Senate Committee on Public Order, sadyang mahirap ang kinakaharap na sitwasyon sa tulad niyang nagpupunta hanggang sa mga liblib na lugar para maghatid ng tulong sa mga apektadong sektor.
Gayunpaman, nanindigan ang ang senador na hindi sapat na dahilan ang pagbawi ng police escort para itigil niya ang pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan sa malalayong pamayanan.
“Alam n’yo, ang trabaho namin, kahit saang sulok po ako ng Pilipinas ay umabot po ako, at ‘yung kahit paano, may risk, may threat sa buhay namin. Pero ako naman, sanay naman akong kahit saan naman tayo, naglalakad tayo.”
“Tulad ng aking sinabi sa DSWD sa pamimigay ng ayuda at maging sa ginagawa ngayon ng kapulisan: Huwag maging selective! Huwag haluan ng pulitika! Gawin lang ang tama nang walang pili at walang pinapanigan!,” aniya pa.
“Ang lagi kong payo sa mga pulis, be professional and just do what is right – proteksyunan ninyo ang buhay ng bawat Pilipino at gampanan ang tungkulin nang naaayon sa batas! Dapat manatiling propesyonal at tapat sa sinumpaang tungkulin ang ating mga alagad ng batas alang-alang sa bayan.”
