HINDI magiging madali para sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ipanalo ang giyera kontra Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) na pasimuno ng scam farms, pag-amin ni Undersecretary Gilbert Cruz.
Sa isang panayam sa Bilyonaryo News Channel, hayagang sinabi ni Cruz na hindi limitado sa Luzon at Metro Manila ang illegal POGO operations. Katunayan aniya, santambak din ang illegal POGO sa Visayas at Mindanao.
Sa pagtataya ng opisyal mahigit sa 400 ang kailangan tugisin ng ahensya, bilang pagtalima sa inilabas na direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng POGO ban.
“Majority of these POGOs are in Metro Manila. We are looking at around 402 POGO operations in the whole of the Philippines. In Luzon, we have POGOs, in Visayas we have POGOs, in Mindanao we have POGO operation,”sambit ng opisyal.
Gayunpaman, nilinaw ni Cruz na hindi aatras ang ahensya sa hamon ng Pangulo lalo pa’t nakikipag-ugnayan na di umano ang PAOCC sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para sa walang humpay na operasyon kontra POGO at iba pang organized crime.
