WALANG dudang sangkot sa illegal drug trade ng Chinese mafia ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) batay na rin sa mga dokumentong nakalap sa ng Kamara sa patuloy na imbestigasyon kaugnay ng P3.6-bilyong halaga ng drogang nasilat sa Pampanga noong nakaraang taon.
Kumbinsido rin si Surigao del Sur Rep. Robert Ace Barbers, na tumatayong chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na sadyang ipinasok sa Pilipinas ang mga POGO para magsilbing daluyan ng pondong pinagbentahan ng droga sa Pilipinas.
“It seems that the drug lords or the drug syndicates laundered their money through these POGOs. Bakit natin nasabi yun? Kasi merong corporations that are registered pwedeng incorporators of these corporations are the same incorporators of the owner of the warehouse na may nakitang drugs,” ani Barbers.
Partikular na tinukoy ni Barbers ang mga incorporators ng Empire 999 na may-ari ng drogang natimbog sa Mexico, Pampanga at ang mga sinalakay na Lucky South 99 illegal POGO hub sa Porac, Pampanga – bukod pa sa POGO hub ni suspended Mayor Alice Guo sa Bamban, Tarlac..
“Yung Empire 999 na nagmamay-ari ng droga doon sa Mexico, Pampanga ay may mga kasosyo sa mga korporasyon na kung saan ay parehas sila na mga incorporators so yung interlocking incorporators is our link na maaaring involved ang mga Pogong ito direkta kay Michael Yang through his brother na nag re-remit yata ng pera doon sa POGO sa Bamban, Tarlac,” aniya pa.
“Ako personally, I strongly believe that there is a criminal organization operating in the country which involves legal POGOs, scam hubs, drug syndicates, EJKS and all these. Magkakasama po yan,” dagdag pa niya.
