Ni ESTONG REYES
SUPORTADO ng 80 porsyento ng mga mamamayang Pilipino ang mungkahing ipagbawal ang pagdadala at paggamit ng cellphone sa mga paaralan, batay sa isang survey kamakailan.
Pag-amin ni Senador Sherwin Gatchalian na tumatayong chairman ng Senate Committee on Basic Education, siya mismo ang nakipag-ugnayan sa private data research firm sa hangaring alamin ang pulso ng mga mamamayan hinggil sa panawagan ipagbawal ang pagbibitbit at paggamit ng cellphones at iba pang gadgets sa loob ng mga pampublikong eskwelahan.
Batay sa pulso ng 1,200 adult respondents na lumahok sa survey na isinagawa mula Hunyo 17 hanggang 24 ngayong taon, mayorya ng mga Pilipino ang sang-ayon sa tinutulak na cellphone ban habang nasa klase o bakuran ng pinapasukang paaralan.
Nasa 13 porsyento naman ang kontra sa nasabing mungkahi.
Base sa pagsusuri sa resulta ng survey, lumalabas na suportado ng Class A, B, C, D at E mula sa iba’t ibang sulok ng bansa ang cellphone ban sa loob ng paaralan.
Pinakamataas ang naitalang pagsang-ayon mula sa Mindanao (81%), kasunod ang National Capital Region (80%), Balance Luzon (79% at Visayas (61%).
Base sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), walo sa 10 mag-aaral na may edad 15 ang hindi nakatutok sa mga leksyon ng guro sa loob ng klase dhil abala sa paggamit ng kani-kanilang cellphones.
