Ni ESTONG REYES
SA halip na isulong ang kultura ng pagsusugal, mas angkop na tutukan ng Kamara ang pagbalangkas ng batas na magbibigay-daan para lumago ang mga pangunahing sektor ng ekonomiya, ayon kay Senador Alan Peter Cayetano.
Sa isang pahayag, kinastigo ni Cayetano ang mungkahi ni OFW partylist Rep. Marissa Magsino na buhayin ang e-sabong – isang uri ng online gambling na sumira sa kinabukasan ng mga kabataan ang kinabibilangang pamilya.
Kung meron man dapat atupagin si Magsino, yun ang maghain ng panukalang batas para sa sektor na kanyang kinakatawan sa Kamara – at hindi ang pagbabalik ng salot sa lipunan.
Partikular na tinukoy ni Cayetano ang mga kaganapan sa pagdinig ng Kamara noong nakaraang Martes kung saan tinanong ni Magsino si Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) chairman Alejandro Tengco kung posibleng gawing legal ang “e-sabong” para makalikom ng pondo ang gobyerno matapos ipagbawal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa.
Para kay Cayetano, mas angkop na mamuhunan ang pamahalaan sa agrikultura, isulong ang turismo, at pasiglahin ang lahat ng industriya upang lumago ang kaban ng bayan.
Aniya, ang mga sektor na nabanggit ay magbibigay ng pangmatagalang benepisyo at kabuhayan sa mga mamamayan – hindi tulad ng sugal na puro talo at sakit ng ulo sa gobyerno.
Nanindigan din ang senador na walang puwang sa isang matinong lipunan ang sugal, lalo pa’t bukas maski sa hanay ng kabataan.
Sa mga nakalipas na panahon aniya, nakita na ang masamang epekto ng e-sabong – adiksyon, pagkabaon sa utang, at pagdami ng krimen, pagkasira ng pamilya, pagkalulong ng mga kabataan at maging ng ama ng tahanan, pagbagsak ng negosyo at iba pa.
“Ano ba ang tinatanim natin sa next generation? Wala pa akong nakitang bansa na talagang umunlad dahil sa online gaming,” aniya.
Dalawang taon na ang lumipas nang maglabas si Cayetano ng isang pahayag kung saan niya pinahiwatig ang panibagong tangkang buhayin ang e-sabong na agad na pinatigil ni former President Rodrigo Duterte bago pa man bumaba sa pwesto.
“Sa totoo lang, magpapalamig lang yan. Tapos sa Senado naman pupunta para sa franchise, o sa next administration,” aniya.
Punto pa ni Cayetano, kung patuloy na igigiit ng taumbayan ang pagtutol sa e-sabong at ang pagkakaroon ng mas maraming investment at trabaho sa bansa, “God willing po hindi na ito makakabalik,” pahabol ni Cayetano.
