Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KINATIGAN ng House Committee on Appropriations ang hirit ni ACT Teachers Rep. France Castro na i-subpoena ang mga record sa paggastos ni Vice President Sara Duterte ng confidential fund ng Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP).
Sa pagdinig ng naturang House panel sa panukalang 2025 budget ng Commission on Audit (COA), unang hiniling ni Castro sa state auditor ang ulat sa pagsusuri ng confidential fund ng OVP at DepEd.
Gayunpaman, nilinaw ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba, hindi maaaring basta na lamang nila ilabas ang impormasyon kaugnay ng confidential fund ng bawat ahensya ng pamahalaan.
“Because of the nature of the funds, which are confidential, we cannot divulge it. Pero kung meron pong subpoena, we can study the subpoena and we can submit,” sabi pa ng COA chief.
Ayon pa kay Cordoba, obligadong magsumite ng accomplishment report sa tanggapan ng House Speaker, Senate President at Palasyo kada tatlong buwan ang mga ahensyang may confidential fund.
Bunsod ng tinuran ng COA chief, naghain ng mosyon si Castro na ipa-subpoena ang rekord ng confidential fund ng OVP noong 2022 at 2023, na sinegundahan naman si Gabriela Rep. Arlene Brosas habang humirit si Kabataan Rep. Raoul Manuel na isama rin ang rekord ng confidential funds ng DepEd.
Wala namang tumutol sa mga nasabing mosyon kaya inaprubahan ito ni House Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson Stella Luz Quimbo, na siyang presiding officer ng pagdinig.
