Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MATAPANG na binweltahan ng isang babaeng kongresista si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa alegasyong hanggang satsat lang ang mga mga miyembro ng quad committee na inatasang magsagawa ng imbestigasyon sa extrajudicial killings, illegal POGO operation at giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
“Parang pareho lang naman kami. Kami puro salita? Eh paano naman siya?,” wika ni Taguig City 2nd District Rep. Pammy Zamora kay former President Duterte sa isang pulong-balitaan sa Batasan Pambansa.
Ginawa ni Zamora ang pahayag bilang tugon sa tanong ng mga mamamahayag kaugnay ng sinabi ni Duterte sa podcast kung saan tinalakay ang pagkakaugnay ni former Presidential Economic Adviser Michael Yang sa importasyon ng iligal na droga at iligal na operasyon ng POGO.
“Puro daldal ng daldal, wala namang mangyayari,” ani Duterte.
Samantala, itinanggi naman ni PBA Rep. Margarita Nograles ang paratang ni dating presidential spokesperson Harry Roque, isa sa host ng naturang podcast, na ang mga mambabatas lang naman di umano ang kumakaladkad kay Duterte sa mga iligal na aktibidad ni Yang.
“Sorry, it is the host (Roque) who insinuated the link, it’s not Congress. Bakit kami masama dito, hindi naman pala galing sa Congress ang pagli-link?” bwelta ni Nograles
Giit ni Zamora, ebidensya at hindi Kamara ang nag-uugnay sa dating Pangulo kay Yang at sa ilegal na droga.
“Pero ang totoong sasabihin ko ay sa tamang komite talaga maiipresenta ang mga ebidensya. Saan pa namin ipri-presinta? Sa reporter na naman? Eh ‘di dumaan tayo sa tamang proseso, di ba? Yun naman ho ang hinahanap,” pahayag pa ng Taguig City lawmaker.
Kung tatanggapin aniya lang ni Duterte ang imbitasyon ng quad committee na dumalo sa pagdinig, makikita ng dating Pangulo ang mga ebidensya laban sa kaniyang dating adviser.
“Nasaan daw ang ebidensya laban kay Michael Yang? Eh kung naka-attend po sana siya ng hearing eh nandoon po ang ebidensya. Sana po napakinggan po niya para din hindi naman po siya ang dinadamay doon, si Michael Yang,” diin pa ng lady solon.
“Nandoon po sa hearing ang mga ebidensya, ang mga reklamo. Kung meron po siyang sasagutin tungkol doon, pwede naman po siyang dumalo pero hindi po siya dumarating.”
