KUNG pagbabatayan ang testimonya ng isang dating Customs Intelligence Officer, hindi malayong hoyo ang magsilbing retirement house ni dating Pangulong Rodrigo Duterte – kasama ang kanyang mga amuyong.
Dangan naman kasi, ang pamilya Duterte ang itinuturong nasa likod ng pinakamalaking sindikato ng droga sa bansa mula nang maluklok sa kapangyarihan – hanggang sa kasalukuyan.
Nang tumakbo si Duterte bilang Pangulo, ako man ay napahanga sa kanyang plataporma de gobyerno, partikular sa kanyang pangakong tapusin ang salot na droga at katiwalian sa pamahalaan.
“I hate drugs,” wika ng noo’y nanunuyong kandidato.
Pero nang nakubkob ang pwesto, binuksan ang Palasyo sa mga damuhong Tsino. Ang masaklap, itinalaga pang Presidential Economic Adviser ang isang Machel Yang na matagal nang may bahid ang pagkatao maski sa kanyang bansang pinagmulan — China.
Sa giyera kontra droga na inilunsad ni Duterte, libo-libong drug suspects – kabilang ang mga kilalang personalidad sa larangan ng pulitika – ang pinaslang. Katwiran ng mga pulis na inatasan maging bahagi ng tinaguriang Oplan Tokhang , eh kasi nanlaban kaya pinutukan.
Gayunpaman, nanindigan si Duterte kasabay ng pagpapalit ng linyang “I hate drugs.” Ang bagong slogan na “Kill, kill, kill” ang nagbigay-daan naman sa isang hayagang pamamaslang – kesehodang sino pa ang tamaan – bata, kababaihan, senior citizens, may kapansanan at mga inosenteng kalaunan ay sinasabing “napagkamalan.”
Sa testimonyang inihayag ni dating Customs Intelligence Officer Jimmy Guban, lumalabas na habang kabi-kabila ang pagpatay sa mga suppliers at dealers ng droga, palihim palang nagpupuslit ng shabu si Pulong Duterte (anak ng dating Pangulo), Atty. Mans Carpio (asawa ni Vice President Sara Duterte) at ang Chinese national na si Michael Yang.
Ang halaga ng droga – tumataginting na P11-bilyon. Partida, isang kontrabando pa lang yan!
Kwento ni Guban, nasakote ang kontrabando sa Manila International Container Port (MICP). Pagkatapos ng insidente, kabi-kabilang tawag at mensahe ng pananakot na ang kanyang natanggap sa telepono – hanggang sa senado.
Humanga din ako sa linyang “Not a whiff of corruption in my government.”
Sa totoo lang, napaniwala ako ni Duterte na iba siya kumpara sa mga trapong tulad nina Pandak at Erap. Sa isang banda, tama naman sa kanyang winikang siya’y ibang-iba. Mas masahol sa kina Arroyo at Estrada kahit pagsamahin mo pa mga bulilyaso nilang dalawa.
