MATAPOS sabunin dahil sa kabiguan matunugan ang pagtakas ng sinibak na Bamban Mayor Alice Guo palabas ng bansa, nagpaandar ang Bureau of Immigration (BI) sa di umano’y kinaroroonan ng kontrobersyal na alkalde.
Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, nasa Indonesia ngayon si Guo, kasabay ng giit na nagsisiyasat na ang ahensya kung paano nakalabas ng Pilipinas ang puganteng mayor.
Batay aniya sa nakalap na impormasyon, bumiyahe si Guo patungo sa bansang Malaysia mula sa Pilipinas noong July 16. Agosto 18 naman aniya nagtungo si Guo sa Indonesia mula sa Singapore.
“Sa atin pong pagbantay sa mga counterpart intelligence information, nalaman natin nasa Indonesia ngayon. Tumawid siya from Singapore the other day, August 18,” wika ng tagapagsalita ng ahensya sa isang panayam sa radyo.
Pag-amin ni Sandoval, posibleng sangkot ang mga tiwaling kawani ng ahensya sa pagtakas ni Guo.
“Nagba-backtrack tayo sa dinaanan ni Mayor Guo kung paano siya nakalabas ng bansa. From there, malalaman natin kung sino ang mga individuals responsible in that area,” ayon kay Sandoval.
Una nang kinastigo ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang BI dahil sa kabiguan imonitor ang paglabas ng dating mayor sa kabila ng direktiba sa mahigpit na pagbabantay sa galaw ni Guo.
Inatasan na din ni Remulla ang National Bureau of Investigation para magsiyasat sa bulilyaso ng BI.
“As civil servants, we have sworn to the country our unwavering integrity, transparency and accountability in all our actions and decisions,” pahayag ni Remulla.
“Hence, I am issuing this final warning against erring BI personnel who may have had a participation in the escape of Guo despite strict restrictions imposed by our government, it’s either you come out and unveil the truth or wait until I personally get to the bottom of this where heads will roll and all hell will break loose,” babala ng kalihim.
Samantala, tiniyak ng Philippine National Police (PNP), gagamitin ang “diplomatic channels” para maibalik ng bansa si Guo.
“But since, kung totoo man po, na nakalabas na po siya ng bansa, then we have to go through the diplomatic channel to address the possibility of bringing her back dito sa atin,” wika ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.
Naglabas na rin ng direktiba ang Palasyo sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa kanselasyon ng pasaporte ni Guo at mga kaanak sa hangaring ibalik ang buong pamilya sa Pilipinas kung saan kabi-kabilang kasong kriminal ang kinakaharap sa husgado.
