ISA na namang insidente ng pambabarako ang naitala ng Pilipinas sa West Philippine Sea kung saan makailang ulit na binangga ng dalawang Chinese Coast guard ships ang maliit sa sasakyang dagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagpapatrolya malapit sa Escoda Shoal.
Sa ulat ng mga mamamahayag na sakay ng BRP Datu Sanday, Linggo ng hapon nang palibutan ng hindi bababa sa walong naglalakihang barko ng China ang BFAR vessel, 10 milya ang layo sa Escoda Shoal.
Batay sa video ng kuha ng mamamahayag, nahulicam ang pagbangga ng CCG Ship 21551, dakong alas 2:11 kaninang hapon.

Una nang naglabas ng pahayag ang Palasyo kaugnay ng dalawang insidente – ang magkasunod na pagbangga ng Chinese Coast Guard sa BRP Bagacay at BRP Cape Engaño sa bisinidad ng Escoda Shoal.
Agosto 19 naman nang magpapaputok ng flare ang mga Tsinong umookupa sa Zamora Reef.
Sa datos ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nasa 92 sasakyang dagat ng China ang nasa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas mula Agosto 6 hanggang 12.
Mas lumaki pa ang naturang bilang base naman sa datos ng Philippine Coast Guard na nagsabing lampas na sa 120 Chinese vessels ang nasa loob ng teritoryo ng Pinas.
Anila 10 barko ng Chinese Coast Guard ang naglalayag sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea, kasabay ng 9 na barkong pandigma ng People’s Liberation Army Navy at 68 Chinese maritime militia vessels.
Pasok din sa bilang ang dalawang Chinese research survey vessels.
