KUMBINSIDO ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na masusukol na sa mga susunod na araw si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay PAOCC spokesperson Winston Casio, mahihirapan na ang sinibak na alkalde kumilos lalo pa’t wala nang pwede kumilos para sa kanya kasunod ng pagkakadakip ng kapatid na si Shiela Guo at Cassandra Li Ong ng sinalakay na illegal POGO hub sa Porac, Pampanga.
Batay aniya sa pinakahuling impormasyong nakalap ng PAOCC, nag-iisa na lang si Guo sa Indonesia matapos humiwalay ang lalaking kapatid na si Wesley na di umano’y napabalitang lumipad na patungo sa Hong Kong.
“Nakatanggap kami ng info na nag-Hong Kong o nag-attempt mag-Hong Kong nung nakaraang Monday. Inaalam namin kung natuloy,” wika ni Casio.
Samantala, tiniyak ng Bureau of Immigrations na nasa Indonesia pa ang dating mayor.
“Naka-monitor po tayo and kausap natin ang ating counterparts as well as intelligence groups sa Indonesia para matunton po and mabantayan itong galaw ng dating mayor Alice Guo para ‘pag naibalik siya ng Indonesian authorities ay haharapin niya ang patong-patong na kaso laban sa kanya,” pahayag ni Immigrations spokesperson Dana Sandoval.
Nasa kustodiya na ng senado si Shiela Guo matapos makulong sa National Bureau of Investigation (NBI).
Dinala naman ng NBI sa Kamara de Representantes si Ong na kabilang sa mga incorporators ng Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Agosto 20 nang matimbog sa Indonesia sina Shiela Guo at Ong na mabilis na ipinatapon pabalik ng PIlipinas batay na rin sa hiling ng pamahalaan ng Pilipinas.
