Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
NAHAHARAP sa malaking hamon ang bagong Kalihim ng Department of Education (DepEd) dahil sa dami ng problemang iniwan ni Vice President Sara Duterte nang magbitiw sa naturang ahensya.
Ito ang tahasang sinabi ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers partylist Rep. France Castro kasabay ng giit na lubhang napabayaan ng dating DepEd chief ang departamentong minana ng bagong Kalihim na si Sonny Angara.
“In fairness naman kay Secretary Angara, teacher pa lang ako talagang malalim na ang pinagsamahan ng ACT Teachers at ni Secretary Angara. Si Secretary Angara, very accommodating, ang mga bills sa salary ng mga teachers ay talagang sinusuportahan niya. Ngayong Secretary na siya, mukhang mas maganda ito kesa noong nakaraan,” pahayag ng lady minority official sa pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa panukalang 2025 budget ng DepEd.
Hirit ng Deped para sa susunod na taon – P793.18 bilyon, pero walang confidential and intelligence fund (CIF).
“Kaya lang, Mr. Chair, nakakalungkot po, medyo iniwanan siya ng maraming problema ni Vice President Sara Duterte, lalong-lalo na po itong MATATAG curriculum,” dagdag pa ni Castro.
Ayon sa ACT Teachers partylist solon, sa ilalim ng nasabing curriculum na ipinatupad ni Duterte, ang mga high school teacher ay binigyan ng pito hanggang walong teaching loads kada araw kung saan ang bawat klase ay nasa 45 minuto.
Hiling ni Castro, panibagong pag-aaral sa aniya’y minadaling implementasyon na punong-dahilan ng mga problema sa ahensya.
“Iniwanan kayo ng nakaraang administration ng ganitong problema, ngayon yung mga teachers talaga natin problematic dito, sobrang pahirap ang MATATAG curriculum,” giit pa ng kongresista.
Maging ang DepEd Computerization Program (DCP), pinuna ni Castro, base na rin sa ulat ng Commission on Audit (COA).
Aniya, may mga “delays,, non-delivery and inefficiencies” na nakita sa programa base di umano sa pagbusisi ng COA – “… particularly the mishandling of DCP packages.”
Nagpahayag din ng pagkabahala ang militanteng kongresista sa P5-billion unpaid remittances ng DepEd sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), at Pag-IBIG Fund.
Base sa 2023 COA report, ang unremitted taxes ng ahensya sa BIR ay nasa P1.3 billion, P3.1 billion naman sa GSIS, nasa P503 million sa PhilHealth, at P182 million naman sa Pag-IBIG.
Pangamba ni Castro, ang mga teacher at non-teaching personnel ang apektado sa hindi pagre-remit na ito ng DepEd partikular sa GSIS na nakaambang magpataw ng charges at surcharges sa mga guro at iba pang kinakaltasan sa sweldo.
