Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA halip na tumalas ang isipan, hindi malayong alboroto sa tiyan ang inabot ng mga kabataan bunsod ng inihaing pagkain sa feeding program ng Department of Education (DepED) sa mga kabataan.
Batay sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA), sumablay ang implementasyon ng School Based Feeding Program (SBFP) ng DepEd noong taong 2023 – panahong pinamumunuan pa ni Vice President Sara Duterte ang kagawaran.
Layunin ng SBFP tugunan ang undernourishment sa hanay ng mga batang mag-aaral sa iba’t-ibang pampublikong paaralan. Nahahati sa dalawa ang hot meal (HM) at nutritious food products (NFP) tulad ng ng prutas, itlog, kamote, at nutty bars at ng pasteurized fresh milk.
Ayon sa COA, kabilang sa mga nakitang sablay ng DepEd sa implementasyon ng naturang programa ang inaamag na nutribuns, nabubulok na mga food item, hindi maayos na packaging ng mga pagkain at kuwestyunableng manufacturing/expiration date ng mga nai-deliver na pagkain.
“Pest/insects were found inside Karabun/Milky bun and E-nutribun (squash) during the inspection of food commodities,” paglalahad ng state auditors sa Aurora Schools Division Office (SDO), ang probinsya ng bagong talagang Education Sec. Sonny Angara.
Sa Bulacan SDO naman, sinita ng audit team ang pagiging bulok, hindi pa hinog o sira na ang pagkain nai-deliver ng supplier. Ang Bulacan at Aurora ay kapwa sakop ng Region 3 (Central Luzon).
“1,001 pieces of E-nutribun delivered from September 2023 to January 2024 were returned to the suppliers for replacement due to the presence of molds and discoloration on the bread, 1 to 2 days before the expiry dates,” ulat naman ng mga auditor mula sa Misamis Oriental SDO.
Pinagdudahan naman ang mga food item na binili para sa Iligan City SDO dahil ang nakalagay sa kahon ay October 29, 2023 ang expiry date subalit sa mismong packaging bawat pagkain ay October 26, 2023 ang expiration diumano nito. Ang Misamis Oriental SDO at Iligan City SDO ay kapwa nasa Region 10 (Northern Mindanao).
Sa Metro Manila, inireklamo rin ng Quezon City SDO ang hindi magandang packaging ng mga pagkain at ang laman umano ay mas maliit o mas magaan ang timbang kumpara sa isinasaad ng supply contract.
“The root crops and fruits were not individually packed in cling wrap or paper. The weight of five food items purchased and distributed were below the prescribed serving size. Eight kinds of prescribed NFPs or alternatives were substituted with other food products,” ayon sa mga auditors sa nabanggit na lungsod.
Sa Camarines Sur SDO, ang halos P100 milyong halaga ng produktong pagkain ay hindi dumating habang di na naman napirmahan ang supply contract para sa gatas.
“As of February 14, 2024, NFPs totaling 6,847,234 units amounting to P98,613,931 remained undelivered. The procurement of milk products was not yet conducted,” sabi ng audit team.
Sa Palawan SDO, nauna umano ang pagbabayad sa supplier kaysa sa pagdating ng mga pagkain.
“Audit revealed that SDO Palawan paid on December 15, 2022 the full amount of P25,709,893 for NFP purchased… despite delayed delivery of goods totaling P14,589,363 per delivery receipts and school IARs (inspection and acceptance reports),” ayon sa audit report.
Nasa sampung mga rehiyon naman ang na-delay ang delivery ng gatas o kaya’y wala talagang natanggap sa buong school year – Mandaluyong City at Pasig City, na kapwa nasa Metro Manila; Ifugao, Benguet, at Baguio City sa Cordillera Administrative Region (CAR); La Union sa Ilocos Region; Oriental Mindoro at Palawan sa Mimaropa; Camarines Sur sa Bicol Region; Zamboanga City sa Zamboanga Peninsula; Bukidnon, Valencia City, at City of Malaybalay sa Northern Mindanao; Tagum City sa Davao Region; South Cotabato at Sultan Kudarat sa SOCCSKSARGEN; at Agusan del Norte, Surigao del Norte, Butuan City, Cabadbaran City, at Surigao City sa CARAGA.
Bagamat naipamigay umano ng mga SDO ang mga pagkain at gatas, sinabi ng COA na hindi nasunod ang guidelines ng DepEd Feeding Program dahil dinoble-doble na lamang umano ang ipinamigay at maging ang mga estudyante na hindi undernourished ay benepisyaryo para hindi masira ang mga pagkain.
“The delayed implementation of the SBFP may result in non-completion of the full cycle of the feeding program for its targeted beneficiaries, hence, the maximum benefits from the program may not be attained,” puna pa ng COA.
