Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BUKOD sa Office of the Vice-President, nakatakda rin talupan ng Kamara ang paglustay di umano ng malaking bahagi ng P150-milyong 2023 confidential and intelligence fund (CIF) na inilaan ng Kongreso para sa Department of Education (DepEd).
Sa deliberasyon ng House Committee on Appropriation sa hirit na P793.16 bilyong budget ng Deped para sa sa susunod na taon, inamin ni Undersecretary Annalyn Sevilla na sa tanggapan ng noo’y Education Sec. Sara Duterte napunta ang P112.5 milyon CIF.
Ani Sevilla, tatlong ulit na naglipat ng pondo mula sa nakalaang CIF ang kagawaran – alinsunod sa hiling ni Duterte. Gayunpaman, nilinaw niyang hindi na humingi si Duterte ng pondo para sa 4th quarter ng 2023.
Pag-amin ng opisyal, maging sila’y walang ideya kung paano at saan ginamit ang CIF lalo pa’t hindi naman siya di umano kasali sa proseso ng utilization at liquidation. Ang tanging meron lamang aniya sila ay ang “cover letter” ng dating Kalihim. Wala rin aniyang anumang detalyeng ng paggasta na ibinigay sa kanila.
Sa panig ni Education Secretary Sonny Angara na humalili kay VP Sara, binigyang diin niya sa Kongreso na walang probisyon ng CIF ang hirit na 2025 budget ng kagawaran.
Giit ni Angara, mas nais ng bagong pamunuan ng ahensya gamitin na lamang ang pondo ng departamento sa mga tinawag niyang “line-items” o iba’t-ibang programa at proyektong mas angkop paglaanan ng pera.
Samantala, para kay House Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol partylist Rep. Elizaldy Co, nahaharap sa malaking hamon ang DepEd kabilang na ang pagtugon sa resulta ng Program for International Student Assessment (PISA) at bilang ng dropouts.
“Result of the 2022 PISA showed that among 81 countries, the Philippines rank 3rd from the bottom in science, and 6th from the bottom in both mathematics and reading,” ang sabi ng House panel head kung kaya dapat umanong kumilos ang DepEd at magpatupad ng mga kaukulang hakbang para mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Giit ni Co, tumatalima naman ang Kongreso at ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa itinataguyod ng Konstitusyon – na ibigay sa DepEd ang pinakamalaking bahagi ng national budget kada taon.
“President Ferdinand Marcos Jr. recognizes that education is an investment on our nation’s future, on Filipino children,” wika ng Ako Bicol partylist solon.
