Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“NAPAKATAGAL na nga, tingi-tingi pa ang benepisyong sinasagot ng PhilHealth. Manhid na ba tayo?”
Ito ang mariing tinuran ni AGRI partylist Rep. Wilbert Lee makaraang punahin ang Department of Health (DOH) sa usad-pagong na implementasyon ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pinalawak na benefit packages ng state insurer.
Tahasang inakusahan ng Bicolano lawmaker na walang silbi ang Benefits Committee (BenCom), na nasa ilalim ng pamumuno ng DOH at responsable sa pagbabalangkas ng polisiya ng PhilHealth hinggil sa pagpapatupad ng iba’t-ibang benepisyo, dahil bigo pa rin umano hanggang ngayon ang state health insurer na tugunan ang pangangailangan ng mga miyembrong buwanang kinakaltasan ang sahod.
“Para saan pa na Chairperson ang DOH sa Benefits Committee na ang layunin ay suriin at magmungkahi ng pagpapalawak sa mga benepisyo ng PhilHealth, kung di naman mapanatag ang mga Pilipino na may sasalo sa kanila kapag may nagkasakit sa pamilya?” pahayag ni Lee.
Sa pagsalang sa Kamara ng hinihinging badyet ng DOH para sa susunod na taon at pagtatanong ng mambabatas, inamin ng PhilHealth na mayroong itong P504 billion na halaga ng investments balance nitong Hunyo ng kasalukuyang taon
“Napakalaki ng pera ng PhilHealth. Baka dapat PhilBank o Philinvest na lang ang tawag sa inyo,” patutsada ni Lee.
“Eksaktong isang taon na ang lumipas nang isiniwalat natin ang sobra-sobrang pondo ng PhilHealth, at manawagan tayo na palawakin ang mga benepisyo nito. Maghihintay na naman ba tayo ng isang taon para pag-usapan ito? Bakit hindi pa ibigay ang dapat ibigay at kung may sobra pa, gamitin sa pagpapababa ng contribution?”
Tiniyak naman ni Lee na patuloy at aktibo siyang magiging bahagi sa pagbusisi ng Kamara sa hinihinging pondo ng DOH at PhilHealth.
“Hindi dapat pinatatagal ito (pagtataas sa PhilHealth benefits). Hindi ko ito tatantanan hanggang maipatupad. I will be left with no choice but to move to defer the DOH budget for the year 2025 at the proper time during our plenary deliberations if this remains unaddressed.” babala pa ng partylist solon.
