Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
NAGPAHAYAG ng kahandaan ang mga opisyal ng iba’t-ibang lalawigan na maging aktibong katuwang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kampanya ng pamahalaan para wakasan ang kahirapan.
Ayon kay Isabela Governor Rodito Albano, matagal nang nararanasan na maraming pamilyang Pilipino ang nasabing problema. Gayunpaman, kumbinsido naman aniya ang mga punong-lalawigan na hindi tinutulugan ng pamahalaan ang problemang nararanasan sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan.
“Nakahanda kaming tumulong sa patuloy at mas maigting na paglaban sa kahirapan. Getting our people out of poverty should be a shared goal of the national government and local government units,” wika ni Albano.
“Matagal nang problema ang kahirapan sa mga urban center at sa kanayunan. But the administration of PBBM is making substantial progress in reducing poverty,” dagdag pa niya.
Ginawa ni Alabano ang pahayag bilang tugon na rin sa hamon at panawagan ni House Speaker Martin Romualdez sa mga provincial governor na tumulong sa adhikain ng Pangulo na wakasan ang kahirapan.
Giit ni Romualdez, mapapabilis ang paglaban sa kahirapan kung magtutulungan ang national at local government units, kasama na rin ang kooperasyon ng pribadong sektor, malalaking negosyante at kompanya.
Sa panig ni Quirino province Governor Dax Cua, sinabi niyang suportado niya ang panawagan ng lider ng Kamara, kasabay ng paniwalang magiging regular ang ugnayan sa pagitan ng pamunuan ng Kongreso at mga punong ehekutibo ng mga lalawigan sa hangaring resolbahin ang kahirapan sa mga kanayunan – gayundin sa usapin ng peace and order.
Sinegundahan naman ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas ang mga naturang pahayag ng dalawang kapwa niya provincial head at iginiit na bukod sa kani-kanilang nasasakupan ay dapat mapabuti rin ang kabuhayan ng buong sambayanang Pilipino.
Nitong nakaraang linggo, dalawang magkahiwalay na grupo ng mga gobernador ang nakipagpulong kay Romualdez. Nasa 27 governors ang nakaharap ng lider Kamara noong Huwebes, habang 17 iba pa ang naka-meeting niya kahapon.
