Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MISMONG si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagsusulong na dagdagan ang daily subsistence allowance ng mga opisyal at tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa susunod na taon, ayon kay House Speaker Martin Romualdez,
Sa isang pagtitipon kasama ang mga miyembro ng Southern Luzon Command (SOLCOM) sa Camp Nakar sa lalawigan ng Quezon, tiniyak ni Romualdez angb katuparan sa pangako ng Pangulo para sa mga Pilipinong sundalo.
Ayon kay Romualdez, daragdagan ng tumataginting na P15 bilyon ang 2025 budget ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa isinusulong na dobladong subsistence allowance ng mga sundalo.
“Next year, expect to receive a higher daily subsistence allowance from your government. Mula P150 per day, dodoblehin natin ang daily subsistence allowance ninyo. Ang target natin, maitaas natin ito hanggang P350 per day,” pahayag ng lider ng Kamara.
“Aabutin ng halos P15 bilyon ang kailangan para maibigay ang allowance na ito para sa lahat ng ating sundalo at miyembro ng Armed Forces. Pero bilang inyong Speaker, sisiguruhin ko na mailalagay ang pondong ito sa 2025 National Budget na tinatalakay namin ngayon alinsunod sa kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos,” dugtong ng Leyte solon.
Diin pa ng lider ng Kamara, batid niya gayundin ng iba pang ranking official ng House of Representatives ang mga sakripisyo hindi lamang ng mismong AFP personnel kundi maging ang kani-kanilang pamilya sa pagganap ng mahalagang tungkulin sa kapwa mamamayang Pilipino at bansa.
“Hindi man namin masuklian ang lahat ng ito sa ngayon, sisiguruhin ko ang tulong ng gobyerno para mabigyan ng ginhawa ang inyong pamumuhay,” saad din niya.
Bukod kina Speaker Romualdez at SOLCOM chief Lt. Gen. Facundo Palafox IV, naroon din sa nasabing okasyon sina Deputy Speaker David Suarez, House Appropriations Committee Chairman Elizaldy Co, mga lokal na opisyal kabilang Vice Gov. Anacleto Alcala III at iba pang opisyal ng militar.
