PARA kay former president Rodrigo Duterte, hindi angkop sa isang pamilya magkaroon ng dalawang Pangulo sa isang pamilya, kasabay ng giit na dapat bigyan din ng pagkakataon ang iba pang may kakayahan pamunuan ang bansa.
“Tama na yung isang presidente sa isang pamilya,” wika ni Duterte sa ginanap na national assembly ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) sa lungsod ng Davao.
Sa kasaysayan ng bansa, tatlong pamilya na ang may dalawang miyembrong umupo bilang punong ehekutibo – Diosdado Macapagal at anak na si Gloria Macapagal Arroyo, Ferdinand Marcos Sr. at anak na si ferdinand Jr., at Corazon Aquino at anak ni si Benigno Simeon Aquino III.
Ginawa ni Duterte ang pahayag bilang tugon sa mga katanungan ng mga mamamahayag hinggil sa posibleng pagtakbo bilang Pangulo ni Vice President Sara Duterte.
“Give it also to others. Alam ko namang malakas dahil naging presidente ako… and I have yung pamilya ko. Kung sabihan mo lang na partikular na personality, example my daughter huwag na muna siguro. Let us give it to another,” dugtong ng dating Pangulo.
Batay sa resulta ng 2024 second quarter survey na pinangasiwaan ng Oculum Research and Analytics, nanguna si VP Sara sa talaan ng napipisil na susunod na Pangulo.
Gayunpaman, mas mababa ang ang approval rating ng batang Duterte mula sa 42 percent na naitala sa first quarter ng 2024 sa 25.4 percent sa second quarter.
Una nang sinabi ni VP Sara na kanyang ilalahad ang plano sa pulitika pagsapit ng taong 2026 – isang taon bago ang paghahain ng kandidatura para sa 2028 presidential elections.
