KUNG pagbabatayan ang pinakahuling senatorial survey ng Social Weather Station (SWS), hindi masusungkit ng administrasyon ang 12 mababakanteng pwesto sa senado.
Gayunpaman, 10 sa mga pambato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nanguna sa SWS commissioned survey na isinagawa mula Setyembre 14 hanggang 23 ng kasalukuyang taon.
Sa kabuuang 1,500 respondents, pinakamarami ang kursunada sa kandidatura ni ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na nakapagtala ng 54 porsyentong preference rating. Nasa pangalawang pwesto naman si dating Senate President Vicente Sotto III na may 34 percent.
Tabla naman sa 24 percent sina Senador Ramon Revilla Jr. at dating Senador Panfilo Lacson.
Sa labas ng senatorial line-up ng administrasyon, umeksena si former President Rodrigo Duterte na umani ng 35 percent. Pasok din sa Magic 12 si Senador Bong Go at Ronald dela Rosa.
Bigo naman makalusot sina Senador Francis Tolentino, na nasa ika-14 na pwesto at Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na lumagpak sa ika-16 sa talaan ng mga senatoriables.
