
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA bigat ng alegasyon at dami ng mga pagpapatotoo, hinikayat ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, lead presiding officer ng House Quad Comm, ang Department of Justice (DOJ) na sampahan na ng kasong murder sina retired police Colonels Royina Garma and Edilberto Leonardo kaugnay sa pamamaslang kay retired police general Wesley Barayuga sa Mandaluyong City noong Hulyo 2020.
Ayon kay Barbers na tumatayong chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, dapat tugunan ng DOJ ang pagsisiwalat at sinumpaang salaysay nina Lt. Col. Santie Mendoza, ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) at Nelson Mariano, isang drug informant ng huli.
“They (DOJ) do not have to wait for the report of the joint committee, which will include a recommendation to file such charges. The panel will take time to write the report since the inquiry is still ongoing,” wika ng Surigao del Norte lawmaker.
Magugunita na pagharap nina Mendoza at Mariano sa nakaraang pagdinig ng Quad Comm ay itinuro sina Garma, na dati ring naging general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Leonardo, ngayo’y opisyal ng National Police Commission (Napolcom), na di umano’y nagplano at nagbayad ng P300,000 para patayin si Barayuga.
Sa pagtatanong ng mga kongresista, lumalabas na ang pagtanggi ni Barayuga, na noo’y board secretary ng PCSO sa kagustuhan ni Garma na mag-isyu ng sertipikasyon sa ilang small-town lottery (STL) operators kahit wala pang pormal na board approval at dahilan kaya pinapatay ang retired general, na mula sa Philippine Military Academy (PMA) Matikas Class of 19983.
Matapos ang pagbubunyag, hiniling ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel sa Quad Comm na isama sa babalangkasing committee report ang rekomendasyon na pagsasampa ng kasong kriminal laban kina Garma at Leonardo na kapwa itinalaga sa pwesto bunsod ng pagiging “super close” ng babaeng police official kay former President Rodrigo Duterte.
Tahasang pang inilarawan ni Pimentel si Garma bilang isang “ruthless killer pretending to be a meek lamb” o animo’y maamong tupa subalit sa katotohanan ay malupit na mamamatay-tao.
Sinabi ng Quad Comm lead chair na dapat kunin ng DOJ ang salaysay nina Mendoza at Mariano gayundin ang mobile phone ng dalawa kung saan mapatutunayan ang mga ipinukol na alegasyon.
“The exchange of messages via Viber and the supposed photo of Barayuga taken by Garma during their PCSO meeting will strengthen the case against Garma and Leonardo,” ani Barbers.