HINDI pa man nag-iinit sa pagkaka-upo bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), bukol agad ang sumalubong kay Major Gen. Nicolas Torre dahil sa bonggang ganansyang nakolekta nina alyas Rommel, Piccolo at Sgt. Adlawan mula sa mga operator ng mga ilegal na pasugalan sa mga lalawigan ng Batangas at Laguna sa Calabarzon region.
Katunayan, dumadaing na ang mga illegal gambling operators sa anila’y sakal hanggang leeg na payolang kinokelta kada linggo ng tatlong mago gamit ang pangalan ni Major Gen. Torre.
Bukod sa pangalan ng butihing CIDG chief, kaladkad din sa mga ipinanghihingi ng lingguhang tara nina alyas Rommel, Piccolo at Sgt. Adlawan ang CIDG-Special Operations Unit, Intelligence Group na kapwa nakabase sa punong himpilan ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame, Games Amusement Board o (GAB), CIDG Calabarzon Regional Office at maging ang PNP Regional Police Office.
Lahat ng gambling operator sa Laguna at Batangas, sinusuyod nina Rommel at Sgt. Adlawan, habang “naka-hold” naman di umano ang koleksyon ng payola sa Rizal, Cavite at Quezon kung saan pinili munang manahimik ng mga illegal gambling operator dahil sa laki ng hirit ng tatlong mago.
Gayunpaman, walang patawad ang pambabarako ang isang alyas Randy (na nagpapakilalang kamag-anak ng isang Col. Jack) sa mga saklaan, bookies at pergalan sa Rizal gamit ang panakot na tutugisin ng pulisya ang hindi marunong makisama.
Balik tayo sa Batangas kung saan usap-usapan ang pagluha ng asupre nina alyas Tisoy at Nonit na kapwa katiwaldas ng gambling lord na si Mike Romantiko na nasa likod ng STL-con-Jueteng, bookies at saklaan sa bayan ng Padre Garcia, Rosario at Batangas City.
Ang negosyong fuel smuggling ni Mike Romantiko, pinangangasiwaan nina alyas San Felipe at RR.
Itutuloy.
