HINDI biro ang makulong sa loob ng halos pitong taon bunsod ng gawa-gawang kaso ng nakalipas na administrasyon, ayon kay former Sen. leila De Lima.
Ito mismo ang nais ipalasap ni De Lima kay dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo’y Senador Ronald dela Rosa na kanyang target idemanda matapos mabunyag sa pagdinig ng quad committee ang detalyadong plano ng nagdaang administrasyon laban sa noo’y oposisyon.
Sa testimonya ng umano’y drug dealer na si Kerwin Espinosa, inutusan siya ni Dela Rosa na idawit ang dating senador sa ilegal na droga.
Sa isang panayam, sinabi ni De Lima na dati pa siyang nakatanggap ng impormasyon na sangkot ni Dela Rosa sa pagsasampa ng gawa-gawang kaso.
Base aniya sa mga impormasyong kanyang natanggap, tinatakot ni dela Rosa ang mga testigo – kabilang si Espinosa na tumestigo laban sa kanya kaugnay ng ibinasurang kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Bukod kay De Lima ayon kay Espinosa, pinilit din siya ni Dela Rosa na idawit sa illegal na droga ang negosyanteng si Peter Lim.
