NI EDWIN MORENO
PUSPUSAN ang isinasagawang manhunt operation ng Philippine National Police (PNP) sa Zamboanga Peninsula laban sa mga hindi tinukoy na armadong grupong dumukot sa isang American national sa bayan ng Sibuco, Zamboanga del Norte.
“PRO-9 confirmed po na mayroon pong report na ni-lodge sa atin for abduction of an American national na nangyari po around 11 p.m. kagabi po sa isang sitio dito sa Zamboanga del Norte,” wika ni Colonel Helen Galvez na tumatayong tagapagsalita ng PNP Zamboanga Peninsula Regional Office.
Ayon kay Galvez, apat na armadong kalalakihan na nagpakilalang pulis ang pumasok sa bahay ng mga magulang ng kinakasamang Pinay.
“Ito nga po nakita natin four men fully armed, nagpakilala nga na law enforcement sila pero ito po ‘yung tinitignan natin sa imbestigasyon. Wala pa po tayong tinutukoy na grupo or anumang mga local criminals na nandun sa area,” dagdag ni ni Galvez.
Kwento ng mga saksi, sinubukan pa manlaban ng hindi pinangalang American national, dahilan para magpaputok ang mga suspek. Anila, nasugatan sa hita ang 26-anyos na dayuhan nang tangayin ng mga bandido.
Samantala, tiniyak ni PNP Zamboanga Peninsula regional director Brig. Gen. Bowen Masauding na nagsanib pwersa na sa kinasang hot pursuit operation ang Anti-Kidnapping Unit, Zamboanga del Norte Police Provincial Office, Sibuco Municipal Police Station, Philippine Marines at Provincial Mobile Force Company.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang kanyang tanggapan sa Armed Forces of the Philippines para matunton at mailigtas ang dinukot na Kano.
