NI LILY REYES
SA pagnanais na maiwasan ang pagbubuwis ng buhay, minarapat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na dalhin na sa mga itinalagang evacuation centers ang mga residente sa mga lugar na pasok sa kategorya ng “danger zone.”
Para kay DILG Secretary Jonvic Remulla, hindi na dapat hintayin pa may mapahamak muna bago ikasa ang mandatory evacuation.
Partikular na tinukoy ni Remulla ang mga nakatira sa mga lugar na natukoy na mataas ang panganib sa pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa inaasahang pagbuhos ng ulan mula sa Tropical Storm Leon.
“In anticipation of potential heavy rainfall due to Tropical Storm Leon, especially in the Bicol Region, and as advised by DOST-PAGASA, all Local Government Units are hereby directed to strictly enforce forced evacuation protocols in areas identified as high risk for flooding, landslides, and other related hazards.”
Bago pa man naglabas ng direktiba ang DILG, una nang naglabas ng direktiba si Defense Secretary Gilberto Teodoro, Jr., na tumatayong chairman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), para sa agarang implementasyon ng forced at mandatory evacuation.
