NI ESTONG REYES
PEKE ang protocol plate number 7 na nakakabit sa puting Cadillac Escalade na pumasok sa EDSA bus lane, ayon kay Senate President Francis Escudero kasabay ng direktiba sa Land Transportation Office na tugisin ang may-ari ng SUV sa viral video.
Ayon kay Escudero, mismong LTO ang nagbigay kumpirmasyon na walang number 7 protocol plate na inisyu sa puting Cadillac Escalade na tumakas matapos tangkang tiketan ng awtoridad.
“The LTO has noted that no number 7 protocol plate has been issued for the type of vehicle concerned,” ayon kay Escudero.
Naunang naghinala si Escudero sa protocol plate na nakita sa viral video dahil wala aniyang ibang markings tulad ng taon na karaniwang makikita sa tunay na plakang ibinibigay sa mga senador.
“Napatunayan ng LTO na peke yung plaka na ginamit ng SUV sa video. Hindi dapat magtapos dito ang isyu na ito. Kailangan matukoy ng LTO kung sino ang may-ari ng sasakyan at siguraduhin na mananagot ito sa paglabag ng batas,” wika ng lider ng senado.
Ibinibigay ang number “7” protocol plates eksklusibo sa sasakyan ng isang senador na walang special privilege kabilang ang pagpasok at pagdaan sa linyang para lamang sa pampasadang bus.
“We thank the LTO for their swift action on this incident. However, this particular incident should not go unpunished. Not only was it a violation of multiple laws and traffic rules, it also affected the sanctity of the Senate as an institution,” ayon pa kay Escudero.
Pinaalalahanan din ni Escudero ang kasamahan sa senado na anuman ang kanilang ikinikilos sa publiko ay sumasalamin sa institusyon na kanilang kinakatawan.
Samantala, naniniwala si Senador Raffy Tulfo na hindi magiging mahirap tuntunin ang nagmamay-ari ng Cadillac Escalade sa Pilipinas.
Nakipag-ugnayan si Tulfo na tumatayong chairman ng Senate Committee on Public Services, sa LTO matapos kumalat ang video kung saan huli cam ang halos paghagip sa dalawang tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ng Department of Transportation.
Batay sa rekord ng LTO, nasa 24 lamang ang nagmamay-ari ng puting Cadillac Escalade sa buong bansa.
Pinadala rin ng LTO kay Tulfo ang mga screenshots ng sakay ng SUV kung saan ang isa na nagbukas ng bintana sa front seat ay hinihinalang security aid habang ang nasa likod na sumenyas pa ng “dirty finger” ay negosyanteng ama ng isang incumbent senator.
