HINDI na nga halos makagulapay ang mga mamamayan sa taas ng presyo ng pangunahing bilihin, at labis na panggigipit ng Meralco, isang panibagong kalbaryo ang nakatakdang sumalubong sa susunod na buwan. Sa isang pahayag, kinumpirma ni Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Chief Regulator Patrick Ty ang nakatakdang implementasyon ng “rate adjustment” pagpasok ng buwan ng Oktubre. Ayon kay Ty, inaprubahan na ng MWSS Board of Trustees ang ang bagong Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) na nagbibigay ng pahintulot sa Maynilad at Manila Water magpataw ng karagdagang singil sa mga konsyumer. Giit ni Ty, apektado sa pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar ang pagkakautang ng Maynilad at Manila Water. Sa pagtataya ni Ty, papalo sa P5.19 kada buwan ang ipapataw na dagdag sa minimum charge ng Maynilad sa mga konsyumer sa loob ng nasasakupang concession area, habang P1.53 sa Manila Water — depende sa konsumo. Para sa mga konsyumer na saklaw ng Maynilad, P1,441 kada buwan ang sisingilin para sa mga konsyumer na kumo-konsumo ng 30 cubic meters kada buwan. Para naman sa mga konsyumer ng Manila Water, aabot sa P1,281.62 kada buwan ang babayaran para sa pagkonsumo ng 30 cubic meters. Paglilinaw ni Ty, hindi apektado sa rate adjustment ang mga enhanced lifeline customers. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Lupin ng Maynila, silat sa mga bata ni Isko