NI EDWIN MORENO
SA gitna ng agresibong kampanya ng pamahalaan laban sa offshore gaming, e-sabong at iba pang anyo ng ilegal na pasugalan, target ng isang video karera operator ang maging congressman sa isang distrito sa lungsod ng Maynila.
Tawagin natin siya sa pangalang Joseph El. Kung tutuusin, hindi basta-basta ang kakayahan ni Joseph na bihasa sa larangan ng Information technology. Sa madaling salita, isa siyang IT expert. Sa husay ni Joseph El, siya ang napiling kasosyo ni Art A. na dating tuta naman ni Atong Ang.
Ang negosyo nina Joseph El at Art A. — fruit game, color game, pula puti at iba pang sugal lupa pero gamit ang makabagong konsepto mula sa bansang India. Walang pwesto, walang kumpulan, walang kristo — online lang, pwera lang sa karera ng kabayo.
Pero tulad ng iba pang ilegal na pasugalan, natural lang na meron silang padrino. Ang tanong, sino kaya sa taong gobyerno ang kasabwat ng dalawang damuho?
Ang totoo, walang maglalakas loob sumabak na ilegal na negosyo kung walang nagbibigay proteksyon. Kasi nga, ilegal di ba?
Pero pinakamalaki ang pasok ng kwarta sa kanilang ilegal na karera ng kabayo na naka-limestream sa isang portal na sadyang nilikha para lang sa palarong milyon ang pustahan kada takbo.
Ang estilo nina Joseph El at Art A., hindi nalalayo sa e-sabong ni Atong Ang.
Fast forward tayo. Sakaling manalo bilang kongresista ng unang distrito, ano naman kaya ang kanyang panukalang isusulong? Gawing legal ang online gambling tulad ng e-sabong at e-karera ng kabayo?
Nakupu, pag nagkataon, mawawalan ng delehensiya ang isang alyas Jun B. na di umano’y kolektor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nakabase sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan.
* * *
Dumako naman tayo sa bayan naman ng Taytay na sakop ng lalawigan ng Rizal kung saan isang kapitalista ng peryahan ang nadorobo ng tumataginting na P3 milyon.
Kwento ni Aling Nelma, pinangakuan siya ng isang Atty. King na nagpakilalang hepe ng Business Permits and Licensing Office (BPLO) na bibigyan ng permit para makapag-operate ng peryahan sa naturang bayan — kapalit ng P3 milyong “goodwill money” na hirit di umano ng kanyang mayor.
Pero pagkatapos makuha ang pera, ibigay sa iba ang basbas na makapagtayo ng peryahan.
Ang masaklap, patay-malisya si Atty. King kaya minabuti ni Aling Nelma na lumapit direkta kay mayor. Ang siste, nagturuan ang dalawang mago – dahilan para dumulog sa mga journo.
Sa puntong yun, bahagyang natulig si Atty. King na nangakong ibabalik ang isang milyon na kanyang parte sa naturang transaksyon. Paliwanag niya, hindi lang sa kanya pumasok ang pera, sabay kanta sa isang Jojit Alcantara – bukod pa syempre kay mayor.
Ang totoo, hindi lang si Aling Nelma ang nadale ng mga kuratong sa munisipyo. Ultimo mga vendor sa Taytay Tiangge, nakotongan ng tumataginting na P5 milyon ng isang retiradong pulis na kilala sa pangalang Moises.
Kaya ang Taytay na kilalang Garments Capital of the Philippines, isa na ngayong Kotong Capital na rin.
