
HINDI na bago ang kaangasan ni former President Rodrigo Duterte — pagmumura, pangahas na direktiba, pagbabanta at iba pang asal na hindi angkop para sa isang lider ng bansa.
Pero kung inaakala nyong sukdulan na ang ipinamalas ng dating pangulo, nagkakamali kayo dahil daig ni Inday Sara ang kagaspangan ng ama.
Ilang linggo na ang nakalipas nang magpatawag ng pulong-balitaan si Inday Sara sa kanyang tanggapan. Maraming peryodista ang dumalo sa pag-aakalang maghahayag ng panig ang pangalawang pangulo sa umano’y paglustay ng confidential fund na inilaan ng kongreso sa mga ahensyang kanyang pinamumunuan.
Pero sa halip na sagutin ang kontrobersiya, nagbantang huhukayin ang labi ng isang yumaong pangulo para itapon sa West Philippine Sea na isinuko ng kanyang ama sa China.
Isa lang ang malinaw. Lumabas ang tunay na kulay ni Inday Sara. Isa siyang taong walang nirerespeto — buhay man o nananahimik sa himlayan.
Hindi ako santo at lalong hindi perpektong tao pero baka ultimo demonyo matulig sa kabastusan ng pangalawang pangulo.
Bakit nga ba ganun ang asal ni Inday Sara? Yun ba ang turo sa pinasukan niyang eskwela o nakagisnan sa sariling pamilya? O baka naman ganun ang kultura sa lungsod ng Davao na kanyang kinamulatan.
Sa ganang akin, kasuklam-suklam si Inday Sara. Wala siyang pakundangan sa kapwa. Hindi man lang niya isinaalang-alang ang pagiging malapit na kaibigan ng isa sa mga anak ng yumaong nais niyang lapastanganin.
Si Manang Imee na sumalungat sa sariling pamilya para lang ipagtanggol ang pamilya Duterte.
Ang tunay na Inday Sara, sampung doble yata ng bruskong ama ang katumbas kung angas lang ang magiging batayan.
Kaya minsan napaisip na lang ako… paano pa kaya kung pangulo na si Inday Sara?
Nakakatakot ang estilo ni Inday Sara sa pulitika. Bawal kontrahin o punahin man lang sa kanyang ginawa o ginagawa pa lang.
Sa madaling salita, daig pa ni Inday Sara ang batas militar. Baka pati si Hitler manliit sa kanya.
Kung sa panahon ng matandang Duterte 30,000 ang namatay sa pekeng giyera kontra droga, baka 10 doble pag naging pangulo si Inday Sara — kasi nga ayaw na ayaw niyang may kumokontra sa kanya.
Buburahin lahat ng sagabal sa landas patungo sa wagas na kapangyarihan. Lahat ng bubulagta, palalabasin “nanlaban.”
Yan ang bagong tatak Duterte halaw sa nais ng bise presidente!