NI TEDDY BRUL
TULUYAN nang binaboy ng mga mucho dinerong trapo ang partylist system sa bansa, ayon sa grupong Kilusan ng Manggagawang Socialista kasabay ng patutsada sa anila’y mga nagpapanggap na kabilang sa hanay ng tinaguriang ‘marginalized and underrepresented sector’ sa bansa.
Sa isang kilos protesta sa harap ng punong tanggapan ng Commission on Elections, tinuligsa ng grupo ang talaan ng 156 ‘kwalipikadong’ partylist groups para sa 2025 midterm election. Anila, dalawa lang ang kategorya ng karamihan sa mga nominado ng mga partylist groups na inaprubahan ng Comelec — mula sa mga angkan ng mga politiko at mga elitista.
Ayon kay Eding Villasin na tumatayong tagapagsalita ng grupong Socialista, walang kahirap-hirap na nakapasok sa partylist system ang mga trapo at elitista bunsod na rin umano ng kaluwagan sa probisyon sa ilalim ng Omnibus Election Code.
Ang masaklap pa aniya, naging “fallback” na lang ang partylist system para sa mga politikong tapos na ang termino bilang district representative, gobernador, mayor at iba pang pwesto sa lokal na pamahalaan.
Panawagan ng grupo sa Comelec, busisiin ang rekord ng mga nominado ng mga inaprubahang partylist groups, kasabay ng panawagan para sa pagtataguyod ng integridad ng partylist system sa bansa.
Sa ilalim ng Republic Act 7941 na nagbigay daan sa partylist system sa bansa, pwedeng lumahok ang mga iba’t-ibang organisadong grupo at samahang pasok sa kategorya ng marginalized at underrepresented sector — kabilang ang mga manggagawa, maralitang tagalungsod, mangingisda, magsasaka, kababaihan, kabataan, katutubo, OFW, PWD, senior citizens, beteranong sundalo, professional at iba pang lehitimong organisasyon.
Gayunpaman, lubha umanong nasalaula ang partylist system dahil ginawa na aniyang paraiso ng mga political dynasties ang pwesto sa Kamara bilang kinatawan ng isang sektor na di naman kinabibilangan.
Isa sa political dynasties na tinukoy ng militanteng grupo ang Agimat Partylist na itinayo ni Senador Bong Revilla Jr. kung saan kabilang sa nominado ang anak na si Congressman Bryan Revilla. Ang ina ni Bryan ay Cavite 2nd District Rep. Lani Mercado.
Sa pagsasaliksik nina Encarnacion at Eduardo Tadem na kapwa propesor ng Unibersidad ng Pilipinas, dekada na nabibilang sa pamamayagpag ng mga political dynasties na walang inatupad kundi pagkakitaan ang pwesto.
Para sa tambalang Encarnacion at Eduardo Tadem, may tatlong salik ang suliranin sa political dynasty sa bansa — ang mga pundasyon pampulitika at sosyo-ekonomiko kung saan itinayo ang mga dinastiya sa pulitika; ang kawalan ng kakayahan na epektibong ipatupad ang mga probisyon ng 1987 Constitution bunsod ng kawalan kaakibat na batas mula sa kongreso; at ang kawalan ng kakayahan makipagsabayan sa perang pinamumudmod ng mga trapo.
