TAMA na, sobra na. Ito marahil ang nasa isipan ni former President Rodrigo Duterte hinggil sa umano’y paninirang puri ni dating Senador Sonny Trillanes IV, batay sa pahayag ni former chief presidential legal counsel Salvador Panelo.
Sa panayam ng batikang broadcaster na si Korina Sanchez, ibinahagi ni Panelo ang naging usapan sa telepono sa pagitan niya at ng dating pangulo.
“Sabi niya, kailangan turuan na ng leksyon yang si Trillanes sa mga paninirang ginagawa niya sa pamilya namin na walang katotohanan kaya magdedemanda ako,” kwento ni Panelo.
Katunayan aniya, inalok pa siya ni Duterte na tumayong abogado sa mga ikakasang asunto laban kay Trillanes na higit na kilala sa pagiging kritiko ng dating pangulo.
Kabilang aniya sa mga kasong isasampa ng dating pangulo ang tinawag niyang kwentong barbero ni Trillanes na nagsabing sangkot sa kalakalan ng droga ang anak na kongresista — si Davao City Rep. Paolo Duterte.
Hindi rin umano palalampasin ni Duterte ang alegasyon ng dating senador hinggil sa yaman ng pamilyang ayon kay Trillanes ay mula sa mga sindikatong sangkot sa bentahan ng droga.
Para kay Panelo, malinaw na propaganda ang ginagawa ni Trillanes sa mga lumang alegasyon.
Sa pagharap kamakailan ni Duterte sa quad committee, nagkainitan sina Trillanes at ang dating pangulo matapos igiit ng dating senador sa Kamara na papirmahin si Duterte sa isang bank waiver para matunton ang nakakubling yaman ng pamilyang protekktor di umano ng mga sindikatong nagpapakalat ng droga sa bansa.
