NASA 300 mag-aaral mula sa Ateneo de Manila at iba pang pamantasan ang nanawagan sa iba pang estudyante para lumahok sa kilos protesta laban sa anila’y pagsalungat ng unibersidad sa inilabas na anunsyo ng Quezon City government sa class suspension sa lahat ng antas.
Partikular na hinikayat ng mga estudyanteng nagpoprotesta ang advisory ng Ateneo de Manila Administration para sa pagpapatuloy ng onsite classes sa kabila ng pananatili ng baha sa ilang bahagi ng lungsod.
Anila, taliwas sa desisyon ng lokal na pamahalaan ang pagpapatuloy ng onsite classes ng Higher Education Unit.
Gayunpaman, nilinaw ng mga aktibista na hindi nila hangad lumiban sa klase, bagkus ay handang tupdin ang aralin at asignatura sa bisa ng online class.
