ISA-isa nang naglalabasan ang korapsyon at kapalpakan sa hanay ng mga alipores ni former President Rodrigo Duterte. Ang bagong target – si dating Health Secretary Francisco Duque na di umano’y responsable sa hindi bababa sa P11-bilyong halaga ng bakunang inimbak lang sa halip na ipamahagi sa mga mamamayan.
Ayon kay House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin, dapat managot ang mga opisyales ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng nakalipas na administrasyon kaugnay ng mga napanis na bakuna at nasirang medical supplies na binili ng kagawaran.
Partikular na tinukoy ni Garin ang resulta ng pagsusuri ng Commission on Audit (COA) sa mahigit P11 bilyong halaga ng mga gamot, bakuna, at iba pang medical supplies na hindi na pwedeng pakinabangan – kabilang ang 7,035,161 botelya ng COVID-19 vaccines.
“Itong mga nangyari at nakita ng COA ay dahil sa weak leadership at management ng Department of Health noong nagdaang administrasyon,” wika ni Garin na dating nagsilbing Kalihim ng naturang ahensya.
Aniya, dapat binabantayan ng mga program director ang mga suplay na dapat agad ipamahagi sa barangay at pampublikong pagamutan para magamit ng mga mamamayan.
“Kung sino ang program director, pagkabili ng mga bakuna at gamot, obligasyon mong ipagamit kaagad at i-monitor ito,” dugtong ni Garin, kasabay ng panawagan sampahan ang mga opisyales ng ahensya.
“Doon sa warehouse, imbentaryo sila ng imbentaryo, dapat doon may accountability kung sino ang implementing department ng DOH. Dapat may close coordination na kapag binili na dapat nang gamitin hindi kung kailan pa-expire na ay doon pa lang magkakandarapa na i-implement,” aniya pa.
Hindi man binanggit ang pangalan, tila si Duque ang kanyang pinapatamaan.
Kamakailan lang, kinastigo rin ni Garin si Health Secretary Teodoro Herbosa dahil sa kawalan ng suplay ng bakuna – “Ang dami ngayong namamatay sa pertussis, stock out kayo sa bakuna. Ang dami ngayong may mga bulate, ang dami nyong mga nag-e-expire na Praziquantel. Ang dami nyong mga binibili gamot, inilibing na lang kasi expired na.”
