SA kabila ng pagiging kaalyado ng ama ng pangalawang pangulo, isang pangako ang binitawan ni Sen. Ronald dela Rosa – walang pinapanigan sakaling sumipa ang impeachment trial laban kay Vice President Sara kaugnay ng di umano’y paglustay ng hindi bababa sa P612.5 billion confidential funds.
Sa isang virtual press conference nitong Biyernes, tikom ang bibig ni dela Rosa nang hingan ng “opinyon” sa kontrobersyal na paggamit ni VP Sara sa confidential funds na inilaan ng Kongreso sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) kung saan nagsilbing Kalihim si Duterte mula 2022 hanggang Hulyo 2024.
“I will vote at the proper time. Right now, I cannot give you my vote. Maniwala kaya ang tao sa akin? Sana maniwala sila,” ayon kay dela Rosa sa virtual interview.
Inamin din ng senador na malaking papel ang ginagampanan ng pagkiling pulitikal sa impeachment process dahil pulitika din aniya ang ugat ng impeachment complaint.
“Chances are lalabas at lalabas talaga d’yan ang political color mo. Chances are talagang hahantong yan sa kampihan,” aniya.
Naniniwala si Dela Rosa na matutuloy ang impeachment trial na aniya’y isang planadong hakbang laban sa bise-presidente.
“Kasasabi nga lang, kapapalabas lang ng text ng Presidente noong araw na ‘to. Kinabukasan nandoon na sila, nag-file na sila kaagad,” aniya.
Idinagdag niya na kahit sagutin at tugunan ni Duterte ang isyung bumabalot sa paggamit ng confidential funds, itutuloy pa rin ang impeachment.
“From the very beginning kahit haharap siya o hindi, nakaplano na ‘yang impeachment na ‘yan. Hindi man ‘yan mag-iimbestiga kung walang balak na impeachment. Lokohin nila yung pagong… Otherwise, kung wala silang balak i-impeach si VP Sara, ‘di yan nag imbestiga,” aniya.
Para kay dela Rosa, higit pa sa pagpapadala ng text message ang dapat gawin ng Pangulo, kasabay ng giit na higit na angkop ang gawa kesa dada.
“Dapat hindi lang hanggang text dapat may aksyon talaga… Kung totoo talaga ‘yun, ‘di lang ‘yun for show or para pang hugas kamay na text… sana may epekto, maramdaman natin ang epekto kahit sabihin na nating panghihimasok sa trabaho ng legislative. Pero kung meron siyang unofficial control over these people maramdaman natin through the actions ng mga taga House of Representatives,” pagtatapos ni Bato. (Ernie Reyes)
