PARA kay Senador Sherwin Gatchalian, istorbo lang sa senado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Katwiran ni Gatchalian, mas angkop na pag-ukulan na lang ng panahon ng senado ang deliberasyon ng mga priority legislative measures na nakabinbin sa Senado.
“Ang nakikita kong komplikasyon diyan yung pag umakyat ang impeachment. Marami tayong mga priority measures, mga batas na gusto natin tapusin, tingin ko babagal yan o baka hindi na matalakay,” wika ni Gatchalian sa isang panayam. sa panayam.
“Dahilan yung concentration, yung focus, yung research, bubuhos talaga dito sa impeachment ,” giit pa niya.
Sinabi pa ni Gatchalian na lubhang nakakapagod ang impeachment proceedings sa lahat ng mambabatas. Pero mas mabigat aniya ang magiging papel ng mga senador na tatayong hukom ng impeachment court.
“Dahil itong impeachment, masalimuot,” aniya pa.
Higit pa aniya sa mga panukalang batas na nakabinbin sa mataas na kapulungan, magiging abala na rin ang mga miyembro ng Senado at Kamara sa nalalapit na May 2025 midterm elections.
“Tapos ang campaign period, tatlong buwan yan. So ang pinag-uusapan na lang natin, halos dalawang buwan. So dapat tignan din yung aspeto na yan kung mayroon pang oras o hindi,” aniya.
Nahaharap si Duterte ng dalawang impeachment complaint sa Mababang Kapulungan matapos mabigong maipaliwanag kung paano ginastos ang multi-milyong confidential funds bukod sa lantarang pagbabanta sa ilang matatas na opisyal. (Estong Reyes)
