TALIWAS sa ibinibidang paglago ng ekonomiya, muling nagtala ng record-high na pagbagsak ang halaga ng ng piso kontra dolyar.
Sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, pumalo sa P59 ang palitan kada isang US dollar.
Gayunpaman, nilinaw ng BSP na gayundin ang naitalang palitan noong Oktubre 2022 at nito lamang Nobyembre 26 ng kasalukuyang taon. Anang ahensya, bahagya naman nakabawi ang piso bago magsara ang trading day sa halagang P58.99 kada dolyar.
“The US dollar/peso exchange rate was slightly higher… after the latest -0.25 local policy rate cut and slightly higher inflation estimate for 2025,” ayon kay Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) chief economist Michael Ricafort.
Sa pagtataya ng BSP, maglalaro sa 3.2 percent ang inflation rate para sa buong 2024 – mas mataas kumpara sa 3.1 percent noong Oktubre.
Para kay Ricafort, isa sa mga dahilan sa pagsubsob sa halaga ng piso ang $2.276 bilyong “deficit” ng bansa, ang pagdapa ng tinawag niyang “local equities market” sa Philippine Stock Exchange index (PSEi) sa nakalipas na limang buwan.
Karaniwang basehan sa pagtaas sa presyo ng mga bilihin ang pagbagsak sa halaga ng piso kontra dolyar.
