NAKATAKDANG ilabas sa Lunes (Disyembre 23) ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga bagong polymer notes na pamalit sa perang papel na may halagang P500, P100 at P50.
Sa isang seremonya sa Palasyo, ipinrisinta ni Mary Anne Lim na tumatayong Assistant Governor ng Currency and Securities Production Sub Sector ng BSP, ang mga bagong salaping sumasagisag sa mayamang biodiversity at pamanang kultura ng bansa.
Ani Lim, layon ng mga bagong polymer notes isulong ang kamalayan sa pagkakilanlan sa mga Pilipino.
Ginamit sa isang libong pisong polymer banknote ang larawan ng agila na sumasagisag sa katatagan, kalayaan at matalas na pananaw ng mga Pilipino, gayundin ang Visayan spotted deer na sumisimbolo sa kalinawan at pagiging matalas sa limang daang pisong polymer bill.
Makikita naman sa isang daang pisong polymer bill ang Palawan peacock na naglalararawan sa kariktan ng mga Pilipino kahit sa panahon ng mga krisis, habang sa limampung pisong polymer bill ay ang Visayan leopard cat na sumasagisag sa kalayaan at pagiging maliksi ng mga Pilipino.
“The introduction of the first Philippine polymer banknote series reflects the progress we are making as Bagong Pilipinas– practical, innovative, and deeply meaningful,” wika ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kabilang na rin ang Pilipinas sa talaan ng 40 bansa – tulad ng Australia, Canada, United Kingdom at Singapore, na gumagamit ng polymer sa paggawa ng pera.
Gayunpaman, kapansin-pansin na hindi na bahagi sa mga bagong pera ang larawan ng mga dating pangulo ng bansa.
