HINDI na bago sa mga sambayanang Pilipino ang kulturang trapo ng mga kandidato. Magaling lang habang nanunuyo – pangako dito, pangako dun.
Sa nalalapit na 2025 midterm election, naghain ng kandidatura ang isang 83-anyos na kingpin mula sa lalawigan ng Ilocos Sur. Sino ba naman ang hindi nakakakilala kay Manong Chavit Singson – ang taong nagkanulo kay dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada (Erap) noong Enero 2001.
Dangan naman kasi hindi pinagbigyan ni Erap ang hirit ni Chavit – basbas ng Pangulo para kontrolin ang jueteng operation sa buong bansa. Tama, aminado si Chavit na isa rin siyang gambling lord tulad ni Atong Ang, Bong Pineda at iba pang malalaking pangalan sa mundo ng jueteng.
Fast forward tayo. Makaraan ang mahigit dalawang dekada, naghain ng kandidatura sa posisyon ng senador ni Chavit bitbit ang sangkaterbang pangako – 50 percent discount at zero-interest sa hanay ng mga tsuper at operator para makabili ng e-jeep alinsunod sa PUV Modernization Program, P500 buwanang ayuda para sa lahat ng Pinoy, at ang paglulunsad ng Bangko ng Bayan.
Ayon sa Ilokanong politiko, hindi kayang tapatan ng ibang kandidato ang kanyang pangako sa hanay ng mga tsuper at operator dahil sanay na aniya siya malugi.
Ang totoo, hindi siya ang klase ng politikong magpapadehado. Syempre meron siyang pambawi – ang VBank sa ilalim ng Vigan Banco Rural Incorporada.
Sa halos lahat ng lugar na kanyang pinupuntahan bilang paghahanda sa nalalapit na halalan, palagi niyang inaanyayahan ang mga tao na magbukas ng account sa kanyang VBank para makaipon.
Walang masama sa pag-iipon. Ang masaklap, baka matulad lang ang mga tao sa dusang inabot ng mga depositors ng Ama Bank na pag-aari ng pamilya Aguiluz.
Nangamatay na ang mga depositors nang hindi man lang nakuha ang perang nakalagak sa naturang bangko sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema para sa muling pagbubukas ng nagsarang bangko dahil sa nabistong bulilyaso.
Bakit nga kaya niya hinihikayat ang mga taong mag-impok sa kanyang bangko? Para pandagdag-kapital sa bagong negosyo? O para gamitin sa pangarap na makasungkit ng isa sa 12 pwesto sa senado?
Batay sa mga political surveys, malabo pa sa ngayon makalusot si Chavit. Sa 66 kandidato sa pagka senador, nasa ika-24 na pwesto si Manong Chavit.
Paano na ang mga depositors kung malugi ang kanyang negosyo o sakaling siya’y matalo?
