TALIWAS sa inaasahan, hindi kabilang sa mga inanyayahan ng White House si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa inaabangang inagurasyon ni US President-elect Donald Trump sa Enero 20.
Pag-amin ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, siya lang ang dadalo sa inagurasyon ni Trump na gaganapin sa USA Capitol sa Washington, DC.
“Only ambassadors represented in Washington are invited,” pahayag ng Pinoy envoy.
Gayunpaman, nilinaw ni Romualdez na hindi lang si Marcos ang pangulong hindi inanyayahan. Katunayan aniya, wala maski isang head of state ang nasa talaan ng mga imbitado ni Trump.
Sa kabila ng kawalan ng imbitasyon kay Marcos, tiniak naman ni Romualdez na ang kanyang pagdalo sa naturang okasyon ay para maging kinatawan ng Pangulo ng Pilipinas.
