HINDI pa man ibinabalik ng Department of Agriculture (DA) sa 35 percent and taripang ipinapataw ng gobyerno sa imported rice, sumipa na agad ang wholesale price ng bigas sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Batay sa datos ng Philippine Statistic Authority (PSA), tumaas ng mula 7.2 hanggang 19.2 percent ang bentahan ng regular well-milled rice ng mga wholesaler sa mga retailers.
Kabilang sa mga lalawigan kung saan naitala ang biglang sipa sa presyo ng bigas ang mga lalawigan sa Ilocos Region, Cavite, Misamis Oriental Nueva Ecija at Oriental Mindoro.
Pasok din sa talaan ng PSA ang pagtaas ng wholesale price ng premium rice sa mga lalawigang sakop ng Mimaropa, Western Visayas, Eastern Visayas, at Northern Mindanao region.
Walang datos ang PSA sa antas ng bentahan ng bigas sa Davao region.
