HIGIT na marami ang pagpasok ng mas maraming bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong taon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa isang kalatas, ibinahagi ni PAGASA Administrator Nathaniel Servando ang posibilidad na pagtama ng dalawa hanggang tatlong bagyo kada buwan pagkatapos ng panahon ng tag-init.
Gayunpaman, nilinaw ni Servando na makakaranas pa rin ng masamang panahon ang iba’t ibang panig ng bansa sa unang tatlong buwan ng 2025. Sa pagtataya aniya ng mga eksperto, tig-isang bagyo ang papasok sa mga buwan ng Enero, Pebrero, at Marso.
Bago pa man sumipa ang 2025, naglabas na ang state weather bureau ng 25 pangalan ng mga bagyo ngayong taon, kasama ang sampung auxiliary names sakaling mahigit pa sa naturang bilang ang sama ng panahon na tatama sa bansa.
Batay sa datos ng PAGASA, 17 bagyo ang pumasok sa PAR. Sa naturang bilang, anim ang labis na nag-iwan ng pinsala sa huling bahagi ng 2024.
