SA kabila ng mahigpit na polisiya ng pambansang pulisya laban sa lahat ng uri ng ilegal na pasugalan, patuloy ang pamamayagpag ng ilegal na negosyo sa iba’t ibang panig ng bansa.
Mismong sa baluarte ng magkapatid na Kalihim ng gabinete, kaliwa’t-kanan ang operasyon ng lahat na yata ng anyo ng sugal lupa — jueteng, pick 3, STL, sakla, EZ2, lotteng, pergalan, bookies at marami pang iba.
Dangan naman kasi, bigatin ang pangalan na sinasangkalan ng mga illegal gambling operator. Ako man ang hepe ng lokal na pulisya, baka magdalawang isip din ako salakayin ang mga ilegal na pasugalan lalo pa’t kaladkad ang pangalan ng mga kinikilalang amo sa probinsya kung saan sila nakadestino.
Pati ang gobernador tiklop sa mga negosyanteng salot.
Kaya naman ang operasyon nina Dencio, Ka Minong, Ewang, Hero, Erick. Bekeng, Elwyn (na nagpapakilalang ahente ng Bureau of Immigration), Jun Toto, Nitang Kabayo at alyas Kap. Abner hindi natitinag sa kabila ng mahigpit na direktiba ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Brig. Gen. Nicolas Torre III.
Walang butas na bayan ang mga ilegal na pasugalan sa Cavite. Lahat ng bayan okupado ng mga tinatawag na encargado o yaong mga may basbas sa kingpin ng lalawigan.
Pero sino nga ba ang kumakaladkad sa pangalan nina Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at Justice Secretary Boying Remulla?
Sino pa nga ba kundi si Sarhento Adlawan! But wait there’s more, may pakner din pala ang kumag — isang nagngangalang Major Gatdula.
